SUBSCRIBE FOR EMAILS
  • Grey Facebook Icon
  • Grey Instagram Icon
  • Grey Twitter Icon
CONTACT US

+63.998.547.5760

 

Mailing address:

Bethel -  Place of Solitude

c/o Bishop's House,

Iba, Zambales 2201

 

bethel.zambales@gmail.com

Life is a project of building bridges, bridges that connect one with others, the world, and God to one’s self. Please feel free to get in touch with us for prayer intentions, to schedule your own desert days, or even just to say thank you or God bless to spread love and kindness.

ABOUT US

© Bethel - Place of Solitude.

Ako ba ay lingkod na laging handa?

August 11, 2013

Ako ba ay lingkod na laging handa?


Sunday Reflection: 19th Sunday in Ordinary Time 
(Wis 18: 6-9; Heb 11: 1-2.8-9; Lk 12: 32-48) 

 

 

 


Mayroon tayong kasabihan, “kapag wala ang pusa, naglalaro ang mga daga.” Siguro may katotohanan ang kasabihang ito dala ng paniniwala na ang mga daga ay takot sa mga pusa; hindi nila magagawa ang anumang gusto nilang gawin kapag naroroon ang pusa. Kung kaya naman kapag napansin ng mga daga na ang pusa ay wala, ito’y pagkakataon ng mga daga na maglaro at gawin ang anumang gusto nila nang walang panganib at pangamba. 

Kung may katotohanan man ang kasabihang ito, ito ay para sa mga pusa at daga lamang. Nakakatawang isipin na kalimitan, ito rin ang pag-iisip na umiiral sa ilan sa ating naturingang tao. Para tayong mga daga na naglalaro nang walang humpay at gambala kapag walang pusa na nagbabantay, nagmamatyag, at pumipigil sa ating pagsasaya. Hindi masama ang magsaya. Ang katanungan lamang ay kung nagagampanan natin ang ating tungkulin sa gitna ng kasiyahan. 

Hinahamon tayo ng Ebanghelyo na laging maging handa sa pagdating ng ating Panginoon. Ayon nga sa talinhaga, ang mga lingkod na maaabutang handa ay magiging mapalad, subalit ang mga hindi handa ay parurusahan dala ng kanilang kapabayaan. 

Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging handa? Una, ang taong laging handa ay hindi nagpapaliban. Wala siyang bahid ng kung tawagin ay mañana habit. Ito ay ang pag-iisip na ipinagpapaliban ang mga dapat gawin ngayon sa ibang oras o ibang araw. Ito’y tumutukoy sa mga taong pag tungkulin o gawain ang pinag-uusapan ay madalas mangatuwirang “mamaya na lang yan, marami pa namang oras!” Sa pag-iisip ng mga taong ito, ang oras ay parang lawa na hindi makakaranas ng tag-tuyo. Mayroon pa ring bukas na darating. Wala silang pagkakaunawa ng huling araw o oras. Subalit sa totoong buhay, ang bawat tungkulin ay may palugit, at ang hindi makakatupad nito ay matatawag na walang pananagutan.  

Ikalawa, ang taong laging handa ay hindi lamang nag-iisip ng pangkasalukuyan, kundi pati rin ang bukas at ang mga darating na araw. Hindi lubos ang ating paghahanda kung ang pinagkakaabalahan lamang natin ay ang pang-hinaharap. Bahagi ng pagiging handa ay ang pagiging maagap sa kung anumang darating na pangyayari. May kasabihan na ang magaling na manlalaro ng chess ay inuunahan ang kanyang katunggali ng maka-tatlong galaw. Hindi siya nakasisiguro sa susunod na galaw ng kanyang kalaban, subalit sa kanyang pag-iisip, alam na niya kung ano marahil ang susunod na galaw at kung ano ang kanyang magiging panabla sa galaw na ito. Ang bagay na ito ay nasasalamin din sa pabula ni Aesop tungkol sa langgam at tipaklong. Habang nagpapakasaya ang tipaklong sa napakagandang panahon, ang langgam naman ay walang humpay sa pag-iimbak ng makakain para sa panahon ng tag-ulan. Kinalaunan, ang langgam ay may kinakain habang ang tipaklong ay nagdaranas ng gutom. 

Ikatlo, ang taong laging handa ay may tiwala sa Maykapal. Hindi natin tiyak kung ano ang mararatnan natin sa darating na araw. Katulad ng sabi sa Ebanghelyo, “darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan” (Lukas 12:40). Ang mahalaga ay gawin ang gampanin sa araw-araw at ang mga bagay sa hinaharap ay ipagkatiwala sa Maykapal. Gaya nang nabasa natin sa Ikalawang Pagbasa, “kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananalig sa kanya” (Hebreo 11:2). Si Abraham ay huwaran sa pananalig sapagkat tumalima siya sa utos ng Diyos na humayo sa lupang ipinangako sa kanya, bagama’t hindi niya alam kung saan paroroon, kung ano ang mararatnan niya, at anong mangyayari sa kanya at sa kanyang asawang si Sara. Mahirap paniwalaang magiging Ama siya ng mga bayan at ang kanyang magiging lipi ay kasindami ng bituin sa kalangitan at sindami ng mga buhangin sa dalampasigan. Paanong mangyayari ito kung sila ni Sara ay matanda na? Sa harap ng mga halos di kapani-paniwalang pangako ng Diyos, si Abraham ay nagtiwala pa rin sa Maykapal, at ang pananalig na ito ang naging huwaran sa lahat ng salinlahi. 

Nakakatuwang isipin na sa Ebanghelyo, naitanong ni Simon Pedro kung ang talinhaga ni Kristo ay para sa kanila o para sa lahat (Lukas 12:42). Matapos mabasa at mapagnilayan ang mga pagbasa ngayong linggong ito, matanim nawa sa ating isipan na hindi mahalaga kung para kanino ang talinhaga ni Kristo. Ang mas mainam na tanong ay kung saan natin ilalagay ang ating mga sarili: sa mga lingkod na handa, o sa mga aliping pabaya?

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Featured Posts

Merging our story with God's plan

September 8, 2015

1/3
Please reload

Recent Posts

July 9, 2015

Please reload

Archive
Please reload

Search By Tags
Please reload

Follow Us